-- Advertisements --

Muling ipinagnalaban ng legal defense ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na wala nang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) para imbestigahan ang mga kasong kriminal sa Pilipinas matapos ang pag-alis ng bansa mula sa Rome Statute noong 2019.

Sa isang filing na isinampa noong Enero 23, 2026, sinabi ng defense led counsel na si Atty. Nicholas Kaufman na malinaw sa Rome Statute na dapat ang isang bansa o Estado ay kailangang miyembro o kasapi ng isang kasunduan tulad ng Rome Statute sa oras na magdesisyon ang isang hukuman na gumamit ng kapangyarihan o hurisdiksyon nito.

Kung ang bansa naman ay kasapi ng Rome Statute noong oras na magsimula ang imbestigasyon, saka lang ito magiging bahagi ng proseso. Kung hindi ito kasapi, hindi rin ito saklaw ng hurisdiksyon ng ICC.

Pinabulaan rin ng defense team ni Duterte na hindi sapat ang isang preliminary examination upang magsimula ang proseso sa korte. Kailangan muna daw ng isang opisyal na imbestigasyon na aprubado ng Pre-Trial Chamber ng ICC para magsimula ang mga legal process.

Ang pahintulot na ito ay ibinigay ng Pre-Trial Chamber noong Setyembre 2021, dalawang taon matapos na tuluyang umalis ang Pilipinas mula sa Rome Statute.

Tinawag ni Kaufman na “opportunistic” at “chameleon-like” ang mga argumento ng prosekusyon, na dati na ring inamin ng Prosecutor na ang mga bansa ay nire-report lamang kapag pormal nang na-autorisa ang isang imbestigasyon.

Tinanggihan din ng legal defense ng dating pangulo ang mga paghahambing sa kaso ng Burundi, kung saan pinahintulutan ng ICC ang imbestigasyon bago maganap ang pag-alis ng bansa mula sa Rome Statute.

Ayon kay Atty. Kaufman, sa kaso ng Pilipinas, ang pag-papahintulot sa imbestigasyon ay nangyari pagkatapos umalis ng Pilipinas, kaya’t ito ay “fundamentally distinguishable” o magkaibang sitwasyon.

Dagdag pa ni Kaufman na ang interpretasyon ng prosekusyon ay magpapawalang-bisa sa ilang bahagi ng Article 127(2) ng Rome Statute.

Binigyang-diin nito na ang hukuman ay dapat sumunod sa tamang proseso.

Maalalang naaresto si Duterte noong Marso 11, 2025, pagdating sa bansa mula sa Hong Kong, matapos na maglabas ng arrest warrant ang ICC kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa kontrobersyal na anti-drug campaign ng kanyang administrasyon na inaakusahan ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Pagdating sa The Hague, Netherlands, dinala siya sa ICC upang formal na harapin ang mga pagdinig ng Korte. Si Duterte ang kauna-unahang dating lider ng Pilipinas na dinala sa ICC.