Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na hindi nito pipiliting magbigay ng testimonya o pipigilan ang sinumang indibidwal na gustong makipag-cooperate sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa ICC Office of the Prosecutor, iniimbestigahan nito ang umano’y paglabag sa karapatang pantao, kabilang ang pagpatay, torture, at sexual violence, na naganap mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 19, 2019. Hinimok ng tribunal ang mga direktang saksi, kabilang ang miyembro ng PNP at iba pang law enforcement agencies, na magbigay ng impormasyon sa pamamagitan ng online portal nang confidential.
Linaw ni PNP spokesperson PBGen. Randulf Tuaño, hindi pa opisyal na summons ang ginawa ng ICC at ito ay isang invitation lamang upang boluntaryong makipagtulungan. Aniya, official line ng PNP aniya ay hindi pinipilit o pinipigilan ang sinumang miyembro na nais magtestify. Ang kooperasyon aniya ay personal na desisyon at dapat may legal na payo.
Bagama’t nag-withdraw ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019, iginiit ng tribunal na may hurisdiksyon pa rin ito sa mga umano’y krimen na naganap habang miyembro pa ang bansa. (report by Bombo Jai)
















