Bilang tugon sa kautusan ng Malacañang na magtipid sa enerhiya sa gitna ng tensyon sa Middle East, ipinatupad na ng Department of Education (DepEd) ang apat na araw na onsite work kada linggo para sa lahat ng non-teaching personnel nito simula ngayong Lunes, Marso 9.
Sa inilabas na memorandum ni Education Secretary Sonny Angara, itinalaga ang araw ng Biyernes bilang work-from-home day para sa mga nasabing empleyado, kabilang ang mga nasa contract-of-service at job order.
Gayunpaman, nilinaw ng DepEd na hindi sakop ng direktiba ang mga guro. Patuloy na susundin ng mga ito ang kanilang regular na class schedules upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagdaraos ng mga klase at end-of-school-year activities.
Ang hakbang ng DepEd ay direktang sumusunod sa Memorandum Circular No. 114 ng Palasyo na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto noong Marso 6. Layon ng kautusan na pakilusin ang mga ahensya ng gobyerno na magtipid upang maibsan ang epekto ng volatility sa presyo ng petrolyo bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Bukod sa flexible work arrangements, inatasan din ng ahensya ang lahat ng tanggapan nito na magpatupad ng energy conservation protocols. Target ng ahensya na mapababa ng 10% hanggang 20% ang konsumo sa kuryente at krudo.
Kasama sa mga mahigpit na hakbang ang pagtatakda ng mga air conditioners sa 24 degrees Celsius, pag-activate ng sleep settings sa mga kagamitan sa opisina, at pagpatay ng mga hindi esensyal na ilaw at electronics kapag lunch break at pagkatapos ng oras ng trabaho.















