Kinuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta ang kakayahan ni Batangas Rep. Leandro Leviste na ipaliwanag ang nilalaman ng tinaguriang “Cabral Files” sa gitna ng imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Marcoleta, wala umanong “personality” si Leviste upang tumestigo tungkol sa substansiya ng mga dokumento dahil hindi siya bahagi ng Department of Public Works and Highways at walang kinalaman sa paghahanda ng mga ulat, konsolidasyon ng mga tala, o mga dokumentong may kaugnayan sa badyet.
Iginiit ng Senador na limitado lamang ang testimonya ni Leviste sa kung paano niya nakuha ang mga dokumento, na sinasabing nagmula sa tanggapan ng yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
Mula sa legal na pananaw, hindi umano nararapat na si Leviste ang magpaliwanag ng nilalaman ng mga file.
Binanggit din ni Marcoleta na may ilang opisyal ng DPWH na tumangging kumpirmahin ang pagiging valid ng mga dokumento.
Ginawa ng Senador ang pahayag kasunod ng hiling ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson kay Leviste na talakayin ang ikalawang batch ng mga dokumentong na-authenticate ng DPWH.
Kabilang si Leviste sa inimbitahan sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes na nagsiyasat sa “Cabral Files,” na umano’y naglalantad ng posibleng budget insertions sa 2025 national budget.
















