Pormal nang nanumpa bilang alkalde ng Davao City si Sebastian “Baste” Duterte ngayong Biyernes, Enero 23.
Permanente ng ookupahin ng nakababatang Duterte ang pwesto ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Matatandaan, nahalal bilang Bise Alkalde si Baste noong 2025 midterm elections kasama ang kaniyang ama bilang Alkalde at pamangkin na si Rodrigo Duterte II, na nakakuha ng pinakamataas na boto bilang konsehal ng lungsod.
Noong Hunyo 30, 2025, hindi nagawa ni dating Pangulong Duterte na mag-assume bilang alkalde dahil sa patuloy na pagkakakulong niya sa The Hague habang inaantay ang paglilitis sa inaakusa laban sa kaniya ng international tribunal na crimes against humanity.
Pansamantalang humalili noon bilang Acting Mayor si Baste Duterte.
Kasunod ng pagbakante ni Baste sa kaniyang posisyon, pumalit sa kaniya ang kaniyang pamangkin na si Rodrigo II, na kasabay niyang nanumpa ngayong araw.
Pinangasiwaan ni Regional Trial Court XI Deputy Executive Judge Marie Estrellita S. Tolentino-Rojas ang panunumpa ng dalawang local official.















