Inamin ni former Senator Antonio Trillanes IV na patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan nito sa mga tauhan ng International Criminal Court.
Aniya’y patuloy siyang nakikipag-usap sa mga ito partikular sa pag-usad ng kasong kinakaharap ni former President Rodrigo Roa Duterte sa The Hague, Netherlands.
Kanyang binigyang diin na hindi niya ititigil ang ugnayan sa pagitan ng naturang International Tribunal hangga’t hindi nasesentensyahan ang dating pangulo.
Naniniwala kasi ang dating senador na may katotohanang libu-libo ang mga pinatay noong panahon ng administrasyon Duterte sa pagpapatupad ng ‘war on drugs’ nito.
Si Duterte ang kasalukuyang nahaharap sa kasong ‘crimes against humanity’ dahil sa implementasyon ng kanyang programang ‘giyera kontra droga’ noong siya’y pangulo pa ng bansa.
Bagama’t hindi direktang sinagot ni Trillanes kung opisyal ba ang ugnayan nito sa ICC, ito aniya’y bilang isa sa mga dati ng nanguna naghain ng komunikasyon laban sa dating pangulo.
Gayunpaman nanindigan siyang walang ginawang mali o ilegal sa kanyang pakikipagtulungan sa mga imbestigador ng International Tribunal.
















