-- Advertisements --

Iginiit ni former Senator Antonio Trillanes IV na nakikita nitong may paglabag sa batas ng Rome Statute ang ginawang aksyon o rebelasyon ng nagpakilalang 18-dating sundalo.

Sa panayam, ibinahagi ng dating mambabatas na nilabag ng grupo kasama pati kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod, partikular ang Article 70 sa International Criminal Court.

Sa ilalim kasi ng naturang batas, saklaw nito ang mga pagkakasala kontra sa pangangasiwa ng katarungan o ‘administration of justice’.

Kabilang dito ay ang pagpigil o obstruction at pananakot sa mga testigo at opisyal ng International Criminal Court.

Ayon kay former Sen. Trillanes, ‘obstruction of justice’ ang maaring ikaso sa kanila buhat nang isiwalat o isapubliko ang ilang impormasyon may kinalaman sa operasyon ng International Tribunal.

Habang sa kadahilanang nabulgar ang ilang mga detalye hinggil rito, ibinahagi ng dating mambabatas na nalagay sa peligro ang mga imbestigador ng naturang korte.

Ang pagkakakilanlan at pangalan kasi ng mga ito kasama pati mga ‘witnesses’ o testigo ay naibunyag sa publiko na siyang mababasa rin nakapaloob sa ‘joint-affidavit’ ng 18-dating sundalo.

Kaugnay pa rito’y binigyang diin ni former Sen. Trillanes IV na ang ginawang pagbabantay ng grupo, kung totoo man, wala naman aniyang paglabag sa batas.

Ayon sa kanya’y hindi ito maaring ituring bilang isang krimen sapagkat hindi naman ipinagbabawal ang pagbibigay seguridad sa mga tauhan ng International Tribunal.

Nilinaw ni Trillanes na hindi porket totoo ang ilang bahagi ng kanilang salaysay ay agaran ibig sabihi’y may katotohanan ang kabuuan nito.

Kanya pa ring itinanggi at pinabulaanan ang patungkol sa akusasyon nakatanggap ng 2-milyon dolyar para tulungan at iasiste ang mga imbestigador habang nasa bansa.