-- Advertisements --

Natuklasan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na target sa pageespiya ang makakuha ng impormasyon tungkol sa mga sundalong naka-deploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, kabilang ang detalye na maaaring gamitin upang ma-pressure ang kanilang mga pamilya.

Ayon kay AFP Spolesperson for WPS Read Admiiral Roy Vincent Trinidad, sinubukang kunin ng mga dayuhang handler sa pamamagitan ng mga Pilipinong contact ang impormasyon tungkol sa mga sundalo sa barko upang matukoy ang kanilang mga pamilya at posibleng magamit ito upang maimpluwensyahan sila.

Nauna nang ibinunyag ng National Security Council na tatlong Pilipino ang nasangkot sa pagpapasa ng sensitibong impormasyon sa mga dayuhan, kabilang ang posisyon ng pamahalaan sa West Philippine Sea at mga plano sa defense diplomacy.

Isa sa mga nahuling suspek ay isang sibilyan na may malapit na ugnayan sa isang opisyal ng Philippine Coast Guard na sangkot sa rotation at resupply missions para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.

Sa kasalukuyan, may maliit na contingent ng Philippine Navy na naka-istasyon sa naturang barko, na sadyang isinadsad sa Ayungin Shoal noong 1999 upang igiit ang soberanya ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.