Muling naungkat ang umano’y pangako ng Pilipinas na tatanggalin nito ang BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos sabihin ni Chinese embassy deputy spokesperson Guo Wei na nangako umano ang Pilipinas na alisin ang barko sa lugar.
Subalit tinutulan ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nanindigang hindi aabandonahin ang barko. Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ang kamakailang pahayag ng Chinese embassy ay pagtatangkang baguhin ang kasaysayan kaugnay ng presensiya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Aniya, ang Chinese Communist Party (CCP) ang unang iligal na nag-okupa noong 1995 sa Panganiban Reef (Mischief Reef), na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Saad pa ni Trinidad na nasa “rekord” na tiniyak ng Chinese Foreign Ministry sa Pilipinas at sa international community na ang maliit at octagonal wooden structures na itinatag sa Panganiban Reef ay pawang “shelters” o silungan lamang para sa mga lokal na mangingisda at nangako ang China na ang mga pansamantalang istruktura na ito ay walang military purpose.
Subalit ang ‘shelters’ na ito ay naging isa ng military airbase na mayroong 3,000 meter runway, missile emplacements, radar drones at naval berths.
Sa huli, binigyang-diin ng admiral na ang presensiya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin ay lehitimo at isang permanent sovereign deployment sa shoal kung saan mayroong sovereign rights at hurisdiksiyon ang ating bansa.
















