Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-reset o maibalik sa mas maayos na antas ang relasyon ng Pilipinas at China at maiwasan ang pag-uulit ng mga insidenteng nagpapataas ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ito ang pangunahing mensahe ng Pangulo sa naging isang oras at dalawampung minutong pulong nila ni Chinese Ambassador Jing Quiang noong Martes.
Tumanggi rin si Castro na isapubliko ang detalye ng naging pag-uusap ng Pangulo at ng Chinese ambassador dahil napagkasunduan umano ng magkabilang panig na panatilihin itong kumpidensyal.
Gayunman, sinabi niyang naging maayos ang kanilang talakayan at nagkaroon ng palitan ng pananaw at mga mungkahi.
Tugon naman ni Castro sa naging pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quiang aniya, wala pa ring makumpirmang kasunduan ang pamahalaan kaugnay ng sinasabing “July 2024 arrangement” na iniuugnay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Hamon ni Castro na ilabas ng China ang nasabing kasunduan.
Binanggit ni Castro ang mainit na pinag-uusapan ay ang umano’y “secret deal” ng dating administrasyon at ng Beijing kaugnay sa BRP Sierra Madre.















