Dinipensahan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pansamantalang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China sa Rotation and Resupply (RORE) missions sa BRP Sierra Madre, na nagsisilbing military outpost ng bansa sa Ayungin Shoal para igiit ang ating soberaniya sa lugar.
Sa isang statement, iginiit ng ahensiya na lubos na batid nito ang pagkakaiba sa paninindigan ng Pilipinas at China partikular na sa pinal at may bisang 2016 Arbitral Award, na nagpatibay sa sovereign rights at hurisdiksiyon ng Pilipinas sa karagatang nasa loob ng Exclusive Economic Zone kabilang ang Ayungin Shoal.
Binalangkas aniya ang kasunduan nang hindi nakokompromiso ang Arbitral Award. Saklaw lamang umano nito ang mga prinsipyo at mga hakbang para sa pangangasiwa ng rotation and resupply ng mahahalagang materyales sa warship ng bansa at hindi nito nililimitahan ang pagpapairal ng sovereign rights at hurisdiksiyon ng Pilipinas sa ilalim ng international law.
“The Provisional Understanding was crafted with the knowledge of the highest levels of the Philippine Government. Its 15 incident-free RORE missions to date have been possible only through the full knowledge and coordination of the AFP and the PCG. Planning and execution — scheduling, routes, vessel deployment, and determination of supplies and personnel — fall entirely within their mandate, not the Department’s,” saad pa ng DFA.
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw na ito sa isang statement kasunod ng ilang komentaryo kabilang ang kamakailang opinyon mula sa mamamahayag na si Marites Vitug, na naglalaman ng “inaccuracies” na naresolba na aniya sa nakalipas na mga pahayag ng kagawaran. Bagamat welcome sa ahensiya ang ganitong uri ng komentaryo bilang parte ng journalistic scrutiny, iginiit nito na may pagkakaiba ang pagsisiyasat (scrutiny) sa sadyang paghahasik ng duda at pagkakahati-hati upang sirain ang reputasyon ng mga ginagawa ng pamahalaan para sa interes ng bansa.
Gayundin, inalmahan ng DFA ang pagbatikos ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio sa kagawaran na bagamat “well-intentioned” ay wala umano sa lugar. Ipinaliwanag ng ahensiya na ang RORE missions na isinagawa sa bisa ng naturang kasunduan ay resulta ng patuloy na pag-aaral ng lahat ng kaugnay na ahensiya ng gobyerno.
Sinabi rin ng ahensiya na pinag-aralan at tinimbang din ang rekomendasyon ni Justice Carpio para sa resupply mission gaya ng pagpapadala ng mga suplay sa pamamagitan ng airdrops, drones at fast boats, bago tuluyang ipatupad ang Provisional Understanding.
Bukas naman ang DFA na idulog ito ng dating mahistrado sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG), na mas nakakaalam ng kanilang operational feasibility.
Samantala, ipinauubaya naman na ng DFA sa security sector ang pagpapatuloy ng implementasyon ng kasunduan kung sa tingin nila ito ay kailangan. Sa ngayon, wala aniyang intensiyong baguhin ang naturang arrangement saanman sa maritime domain ng Pilipinas.















