Posibleng imbitahan ulit sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating House Speaker Martin Romualdez o kinatawan ng Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa committee chair na si Senator Panfilo Lacson.
Ito ay para malinawan ang usapin sa pagbili ng bahay at lupa sa No. 30 Tamarind Road, Makati noong 2023, na binili ng kompaniyang Golden Pheasant Holdings Corp., na pag-aari ni Jose Raulito Paras, na konektado sa dating Speaker.
Ayon Kay Sen. Lacson, kung nais dumalo ng dating speaker malugod siyang inaanyayahang pumunta at ipaliwanag ang kanyang panig. Ngunit hindi umano siya maaaring pilitin na dumalo dahil sa inter-parliamentary courtesy.
Iimbitahan din umano si Paras sa susunod na pagdinig upang ipaliwanag niya ang kaniyang financial capacity sa pagbili ng naturang bahay na medyo may kamahalan na nagkakahalaga ng hindi bababa sa ₱1 billion.
Matatandaan, sa ikawalong pagdinig ng komite sa flood control anomaly noong Lunes lumutang ang dalawang babaeng testigo at inusisa sa umano’y koneksiyon nina dating house speaker at kontratistang si Curlee Discaya kaugnay sa biniling bahay at lote umano ni Romuldez noong Abril 2023 sa South Forbes Park, Makati City. Napaulat na ang mga Discaya ang ginamit umanong “front” sa pagbili ng naturang high-end property.
Subalit, kapwa itinanggi nina Romualdez at Discaya ang mga paratang laban sa kanila.
Samantala, nauna na ring sinabi ni Sen. Lacson na posibleng sesentro kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang susunod na pagdinig para linawin ang mga isyu sa maling grid coordinates ng flood control projects na nakasaad sa ulat niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Lacson, sa nakaraang pagdinig, ipinakita nina Undersecretaries Arthur Bisnar at Ricardo Bernabe III ang datos na nagpapakita ng malinaw na pattern ng maling coordinates. Mahigit 86 porsyento ng proyekto ang may maling impormasyon, kaya sinasabing sinadya ito.
Dagdag ni Lacson, ang maling datos ay maaaring hindi lang para idiscredit ang website na Sumbong sa Pangulo, kundi para pahinain ang kaso laban sa mga “ghost” flood control projects.
Pinaalalahanan niya si Bonoan na kung magpapalusot siya, maaaring ma-cite in contempt, maaresto at madetine sa Senado.
Samantala, binigyang diin ng Senador na ang kanilang imbestigasyon ay in aid of legislation, ngunit maaari ring magbigay ng lead sa mga nagiimbestiga.
















