-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakababahala umano ang patuloy na paghahanap ng International Criminal Court (ICC) ng mga karagdagang saksi at ebidensya kaugnay ng reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon sa legal expert na si Atty. Vincent Orly Montalban, nakaka-alarma ang naturang hakbang kahit hindi ito tuwirang paglabag sa mga alituntunin at proseso ng ICC, sapagkat nasa pre-trial chamber pa rin ang kaso.

Kinuwestiyon din ni Montalban ang pag-apela at paghahanap pa ng karagdagang mga saksi na malinaw umano na may kahinaan ang mga ebidensyang iniharap sa ICC.

Samantala, inihayag naman ni Atty. Luke Espirito, Presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, na normal lamang ang patuloy na paghahanap ng International Criminal Court (ICC) ng karagdagang mga saksi kaugnay ng kaso laban sa dating Pangulong Duterte, lalo na sa ibang bansa kung saan ang mga investigative offices ay humihingi ng impormasyon mula sa publiko.

Dagdag pa ng abogado, sa ibang bansa, seryoso ang kanilang paghahanap ng ebidensya sa pamamagitan ng pagkuha mula sa pinalawak na mga sources at maingat nilang pinaghihiwalay ang totoong mahalaga at wastong impormasyon mula sa mga walang halaga o maling impormasyon.