Muling hinamon ni dating Senator Antonio Trillanes si Senator Ronald dela Rosa na boluntaryo nang harapin ang mga alegasyon sa kanya sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Hamon ng dating mambabatas kay Dela Rosa na magtungo na siya sa The Hague at samahan o bisitahin si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Centre.
Mainam din ito aniya para malinawan kung mayroon talagang warrant of arrest na inilabas ang korte laban sa kaniya.
Mula Nobiyembre 2025, hindi na nagpakita sa publiko ang dating Philippine National Police (PNP) chief kasunod ng impormasyong mayroon nang warrant laban sa kaniya.
Payo ni Trillanes sa dating heneral kusang-loob nang pumunta sa The Hague at kumpirmahin ito, o samahan na lang doon ang dating pangulo at patunayan kung tunay ang ipinapakita niyang pagmamahal at suporta.
Dagdag pa ni Trillanes, hindi makatwiran na iniiwan ni Dela Rosa ang dating pangulo gayong kapit-tuko ang mga ito noong pangulo pa si Duterte.
















