-- Advertisements --

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na ebidensiya, at hindi ingay, ang magpapapanagot sa mga sangkot sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, tinuligsa ni Lacson ang mga nanggugulo at kumukuwestiyon sa imbestigasyon, at sinabing hindi makatutulong ang maiingay na pahayag sa pagpapakulong ng mga responsable.

Binigyang-diin ng senador na sa ilalim ng mga pagdinig ng komite, nabunyag ang malawak at sistematikong abuso sa pondo ng bayan na kinasasangkutan ng matataas na opisyal sa ehekutibo at lehislatura, pati ilang pribadong kontratista.

Ayon kay Lacson, may mga kasong naisampa na sa Sandiganbayan at iba pang hukuman, habang ang iba ay sumasailalim sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman at Department of Justice. Kung saan mayroon nang hindi bababa sa dalawampu’t isang bilyong piso sa mga bank account at ari-arian ang na-freeze at may ilan ding personalidad na ang pumayag na makipagtulungan sa gobyerno.

Inilantad din umano ng pagdinig ang mga conflict of interest sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), ang paglantad ng mga blacklisted na kumpanya sa ilalim ng bagong pangalan, at ang paggawad ng malalaking kontrata sa mga kumpanyang kulang sa kapital.

Tiniyak ni Lacson na susundan ng komite ang ebidensiya saan man ito humantong, at walang pinoprotektahan o tinatarget na sinuman sa isinasagawang imbestigasyon.