-- Advertisements --

Pinuna ng mga senador si Elizer Salilig ang National Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), dahil sa hindi pagdalo sa hearing ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform noong Pebrero 18, kung saan tinalakay ang commercial fishing sa loob ng 15-kilometrong municipal waters.

Ayon kay Committee Chairperson Francis Pangilinan, “Kung akala ninyong puwedeng ganito ang asta ninyo sa harap ng komite ng Senado, nagkakamali kayo. At ito’y magsisilbing dapat leksiyon sa lahat. Kumbaga sa baseball eh naka-strike three kayo nung araw na ‘yun.”

Paliwanag ni Salilig, nakatanggap daw sila ng tatlong imbitasyon para sa Pebrero 18, isa mula sa Senado, isa mula sa House of Representatives, at isa mula sa United States Department of State Bureau of Oceans and International Environmental and Scientific Affairs.

Aniya, “Ang ginawa namin, we divide it into two. So lahat po ng mga director, mga senior director namin, dito po namin ipinadala sa Senate. Kami na mga juniors, doon kami sa Congress.” Dagdag pa niya.

“Pasensya na po sa inyo, Sir, we sincerely apologize na dapat pala talaga, ang mauna talaga yung the highest legislative bago ho sila,” ayon pa sa BFAR director.

Hindi naman kumbensido si Senator Erwin Tulfo. “Your explanation, we’ll not buy it. Bakit? Ikaw lang ba ang tao? Dalawa lang ba ang director? Dalawa lang ang assistant director? Nasaan yung iba? Number three, sinasabi ni Mr. Chair, late pa kayo. Ibig sabihin, wala kayong respeto sa committee na ito,” ani Tulfo.

Naantala kasi ng 30 minutes ang pagdating ng mga opisyal ng BFAR noong Pebrero 18 hearing.

Bukod dito binanatan din ni Pangilinan ang ahensya dahil hindi maayos na mga pagsagot sa show-cause order, at walang paliwanag sa kanilang pagka-late.

“Let this be a stern warning and reminder. At clearly after this hearing, medyo mag-usap kayo ng staff niyo. Kasi kulang-kulang yun, I do not wish to think that the BFAR is incompetent. Kasi ang dami nating issues na nabanggit doon sa show cause, di niyo sinagot nang diretso. Prior to that yung mga pinadala ninyong mga representative, di rin makasagot,” ani Pangilinan.

Pagkatapos ng pagtatalo sa attendance issue, nagpatuloy ang hearing sa pagtalakay sa mga pending bills at resolutions.