-- Advertisements --

Nakahanay na umano ang sapat na safeguards para sa pagpapatupad ng mga Farm-to-Market Roads (FMR) projects, simula sa susunod na taon.

Ito ay kasunod ng nabunyag na katiwalian sa mga naturang proyekto, kung saan mismong ang Department of Agriculture (DA) ang nakatuklas – ilan dito ay mga substandard at ghost project.

Ayon kay Senate Committee on Agriculture Chairman Kiko Pangilinan, naglaan na ang Mataas na Kapulungan ng sapat na guidelines sa pagtatayo ng mga proyekto, upang maiwasan ang mga naunang nangyaring korapsyon.

Kabilang dito ang pag-atas sa DA upang pangasiwaan ang pagpapagawa, sa halip na ipasakamay pa ito sa Department of Public Works and Highways (DPWH), tulad ng dating nangyayari.

Sa ilalim ng bagong regulasyon, kailangan ding sundin ng DA ang bukas na paggawa at pagtatayo sa mga naturang proyekto, upang agad masuri. Kabilang dito ang bukas na pondo, lokasyon, project development, atbpang salik.

Hanggang sa ngayon, nananatili ang pagsusuri ng DA sa mga nauna nang naipatupad na FMR matapos matuklasan ang hindi maayos na pagpapatupad sa mga naturang proyekto.

Sa ilalim ng 2026 budget, naglaan ang mga mambabatas ng hanggang P33 billion na pondo para sa pagpapagawa sa mga ito.