Inanyayahan din ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sina Senator Alan Peter Cayetano at anak ni Sen. Rodante Marcoleta na si Rep. Paolo Henry Marcoleta na sumama sa maritime domain awareness (MDA) flight patungong Kalayaan Island Group.
Ayon kay Tarriela, kung papayag ang mga mambabatas, magba-bonding sila at magtampisaw sa dagat ng Pag-asa Island.
Aniya, layunin ng paanyaya na personal na makita ng mga mambabatas ang komunidad ng mga Pilipinong naninirahan sa Pag-asa Island, kabilang ang mga pamilya at kabataang doon nakatira, na aniya’y dapat ipagtanggol at suportahan ng bansa.
Matatandaan nauna nang inimbitahan ni Tarriela si Sen. Marcoleta na sumama sa mission flight kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ng huli na “isuko ang KIG.”
Tumanggi rin si Tarriela na humingi ng paumanhin sa paggamit niya ng caricature ni Chinese President Xi Jinping, at iginiit na wala pang paghingi ng tawad ang China sa mga umano’y paglabag nito sa karapatan ng Pilipinas, pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino, at pambu-bully sa Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.
Nagpasalamat naman si Tarriela kina Senators Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Senate President Vicente Sotto III, at Panfilo Lacson sa kanilang paninindigan, at sinabing ang resolusyong ipinasa ng Senado ay patunay ng pagiging makabayan ng institusyon.
Ginawa ni Tarriela panibagong pahayag kasabay ng kaniyang pagdalo sa paglulunsad ng WPS Mural Festival na naglalayong itaguyod ang kamalayan ng publiko sa West Philippine Sea.
















