Pabor si dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na isagawa ang debate sa pagitan nila ni Sen. Rodante Marcoleta sa Kalayaan Island Group (KIG).
Ito ay kasunod ng pag-alok ng alkalde ng Kalayaan na si Mayor Beltzasar Alindogan na isagawa sa KIG ang debate, lalo at ito rin ang pangunahing paksa ng kanilang diskusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Carpio, sinabi ng dating mahistrado na pabor siyang lumuwas sa Kalayaan at doon isagawa ang debate, anumang oras na itatakda, sakali mang matuloy ito.
Unang hinamon ni Marcoleta sina Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, Professor Jay Batongbakal, at Justice Carpio sa isang ‘friendly debate’.
Kinalaunan, tinanggap din ng retiradong mahistrado ang hamon ni Marcoleta, bagay na ipinagpasalamat din ng bagitong senador.
Ayon kay Carpio, sa ngayon ay hindi pa sila nakakapag-usap ni Marcoleta at tanging ang pahayag pa lamang nila sa social media at sa ilang interview ang nagiging ‘indirect’ exchange.
Bukas din ang dating mahistrado na makausap ang kampo ni Marcoleta upang plantsahin ang debate.
















