Umasa naman si House Committee on Public Accounts Chair Terry Ridon na makapagbibigay-linaw si Ramil Madriaga, sa tunay na pagkakakilanlan ng mga pangalang gaya ng “Mary Grace Piattos” na umano’y tumanggap ng daan-daang milyong pisong confidential funds mula sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Ridon, mahalaga ang posibleng testimonya ni Madriaga upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga pangalang nakapaloob sa humigit-kumulang P612 milyon na confidential funds na nauna nang kinuwestiyon ng mga mambabatas.
Sinabi ni Ridon bilang insider umano sa paghawak ng confidential funds, maaaring maipaliwanag ni Madriaga kung paano napasama sa mga liquidation document ng OVP at DepEd ang mga kuwestiyonableng pangalan na isinumite sa Commission on Audit (COA).
Binigyang-diin ni Ridon na kung mapatutunayang peke ang mga pangalan, dapat managot ang mga responsable sa paglikha, pag-apruba, at pag-liquidate ng mga ito.
Samantala, nahaharap si Vice President Duterte sa dalawang impeachment complaint na inihain kamakailan, kung saan kabilang sa mga alegasyon ang pahayag ni Madriaga na siya umano ay naghatid ng malalaking halaga ng pera sa iba’t ibang indibidwal sa utos ng bise presidente.
Ang mga reklamo ay pormal nang naipasa sa Office of the Speaker ng Kamara para sa kaukulang aksyon.










