Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa ang kanilang puwersa para sa seguridad ng mga mag-aaral, guro, at magulang sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sapat ang kanilang mga tauhan upang tumugon sa mga pangangailangan ng seguridad sa balik-eskuwela, sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng mga estudyante sa mga paaralan.
Sa ilalim ng kanilang seguridad plan, tututok ang PNP sa presensya ng mga pulis sa mga paaralan at mga pangunahing ruta upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga kabataan.
Ang pahayag ay ginawa sa gitna ng mas pinaigting na operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng iba’t ibang high-profile na kaso sa bansa.
Giit pa ng PNP, patuloy din nilang isinasagawa ang kanilang mandato sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan habang sabay na inihahanda ang mga hakbang para sa ligtas na pagbubukas ng klase.
Wala namang ibang detalye na inilabas ang PNP hinggil sa espesipikong deployment ng mga tauhan, ngunit sinabi ng ahensya na nakalatag na ang kanilang security preparations para sa buong bansa.
















