Nagsagawa ang House of Representatives ng imbestigasyon sa malawakang brownout noong Mayo 13 na nakaapekto sa milyun-milyong konsyumer sa Luzon at Visayas.
Ang inquiry ay isinagawa matapos maghain sina Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ng House Resolution No. 1024 para imbestigahan ang power disruptions.
Pinangunahan ng House Committee on Energy at House Committee on Legislative Franchises ang pagdinig na tumalakay sa pag-trip ng Tayabas-Ilijan at Dasmariñas-Ilijan 500-kilovolt transmission lines na nagdulot ng Red at Yellow alerts sa Luzon at Visayas grids.
Ayon kay Hernandez, layunin ng inquiry na tukuyin kung ano ang pumalya, bakit ito nangyari, at anong hakbang ang dapat gawin upang maiwasang maulit ang grid collapse.
Sinabi rin niya na higit 3.9 milyong konsyumer sa Metro Manila, Batangas, Cavite, Laguna at Rizal ang naapektuhan ng Manual Load Dropping, na nagdulot ng pagkalugi sa negosyo at abala sa mga kabahayan.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangan ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng Department of Energy, National Grid Corporation of the Philippines at iba pang stakeholders upang mapabilis ang pagtugon at mapahusay ang crisis management sa oras ng malawakang power outage.
Dagdag pa niya, nakatuon ang imbestigasyon sa technical accountability, grid resilience, communication protocols at supply security upang mapalakas ang proteksyon sa power grid at sa publiko.















