Maghahain ng reklamo ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Senador Robin Padilla at iba pa dahil sa umano’y pagtulong kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makatakas.
Sa isang statement ngayong Miyerkules, Mayo 27, sinabi ng CIDG na ire-refer nila sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo para sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1829 o ang obstruction of justice.
Ayon sa ahensiya, ang pagsakay ni Padilla kay dela Rosa ay hindi lamang simpleng “hitch ride” kundi isang “highly coordinated, pre-planned logistical maneuver” para umano hindi umano ma-detect habang tumatakas palabas ng premises ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.
Lumabas din aniya sa imbestigasyon na mayroong isa pang sasakyan ang bumubuntot o sumusunod sa sasakyan ni Padilla, na nagsilbi umano bilang security escort at backup car sa naturang maneuver.
Ipinaliwanag naman ng CIDG na ang paghahain nito ng reklamo ay alinsunod sa mandatong imbestigahan ang mga krimen at ipatupad ang batas ng patas at walang pinapanigan.
Giit ng CIDG, kapag aktibong nakialam ang mga indibidwal sa pag-aresto o tumulong sa pagtakas ng criminal offenders para maiwasan ang pag-uusig, nakasisira aniya ito sa justice system at nakokompormiso ang public order.
Binigyang-diin din nito na anumang obstruction of justice ay may kaakibat na criminal prosecution.
Samantala, nauna naman ng itinanggi ni Padilla na tumakas si dela Rosa dahil humiling lang aniya ang kaniyang kasamahang senador na makisakay palabas ng Senado matapos mangyari ang shooting incident gabi ng Mayo 13.
















