Iginiit ng Malacañang na nananatiling “firm but diplomatic” ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa relasyon ng Pilipinas sa China.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, malinaw ang paninindigan ng Pangulo sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan ng bansa, kasabay ng pagpapanatili ng maayos at bukas na linya ng komunikasyon sa China.
Siniguro ng Malacañang na mananatiling matatag ang gobyerno sa pagprotekta sa teritoryo ng Pilipinas habang pinananatili ang mahinahong pakikipag-ugnayan sa ibang bansa.
Tiniyak naman ng Palasyo ang paggalang sa kalayaan sa pamamahayag kaugnay ng naging pahayag ng Chinese Embassy na kumokondena sa Senate Resolution No. 256.
Sinabi ni USec. Castro iginagalang ng Pangulo ang karapatan ng bawat panig na magpahayag ng kanilang saloobin.
Ayon kay Castro kung may kalayaan ang China sa kanilang pamamahayag, ganoon din ang sinumang Pilipino at ang Senado.
Inihayag ni Castro na hindi aniya tinitingnan ng Palasyo ang naging pahayag ng Chinese Embassy bilang pagtatangkang patahimikin ang Senado, dahil may karapatan din umano itong magsalita at ilahad ang kanilang sentimyento.
















