Binigyang-diin ni Fr. Douglas Badong ng St. Joseph Parish sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na hindi dapat sa isang araw lang ipinapakita ang pagmamahal, at hindi rin dapat maging sukatan ang materyal na bagay na natatanggap, kagaya ng bulaklak o tsokolate.
Ayon sa kaniya, mas mahalaga pa rin ang mga gawa ng kabutihan, malasakit, at pagmamahal na hindi naghihintay ng kapalit.
Umapela rin si Fr. Badong sa mga negosyante na huwag gawing labis na komersyal ang pagdiriwang ng Valentines Day.
Giit nito, hindi totoo na kapag walang natanggap na regalo ay hindi na tunay ang pag-ibig.
Dagdag pa ng pari, ang pagmamahal ay dapat kusang-loob na ipinapakita at hindi lamang dahil sa uso o trend.
Sa huli, paalala ni Fr. Badong na ang diwa ng pag-ibig ay dapat manatili sa bawat araw, hindi lang tuwing Valentine’s Day.













