-- Advertisements --

Naghain si Senator Francis Pangilinan ng panukalang batas na magtatatag ng pinalawak na voucher program para sa mga mag-aaral sa pribadong paaralan mula sa low-income at middle-income households.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1841 o ang “Private Education Voucher Expansions (PEVE) Act” layong palawakin ang saklaw ng tulong pinansyal para sa mga underprivileged na mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school na napipilitang pumasok sa pribadong paaralan dahil sa siksikan o kakulangan ng malapit na pampublikong paaralan.

Nakapaloob din sa panukala ang pag-amyenda o pagbasura sa ilang probisyon ng Republic Act No. 8545 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act.

Habang nakalagay sa explanatory note ng panukala na makakatanggap ng voucher assistance ang mga mag-aaral mula sa middle-income families–batay sa klasipikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA)—na nagmula sa mga pampublikong paaralang tinukoy ng Department of Education (DepEd) bilang congested, o yaong mga naninirahan sa mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan at nais mag-enroll sa pribadong paaralan.

Samantala, nakasaad din sa panukala na ang tulong sa mga proibadong paraalng lalahok sa programa ay ibabatay sa quality assurance standards, pati na sa lawak ng geographic coverage at dami ng mga mag-aaral na mag-eenroll.

Matatandaan na nauna nang naglunsad ang DepEd ng classroom leasing initiative bilang pansamantalang solusyon sa overcrowding sa mga pampublikong paaralan habang isinasagawa ang konstruksyon ng mga permanenteng silid-aralan, kabilang ang pagsasaayos ng mga inuupahang pasilidad sa mga lugar na amt problema sa pagkuha ng lupa sa pagpapalawak ng pwedeng matayuan ng mga silid-aralan.