-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan na ni Sen. Kiko Pangilinan sa Senado ang pag-iisyu ng exploration permit sa isang dayuhang mining company sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Sa kaniyang inihaing resolusyon, hiniling ng senador sa Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation, sa umano’y kaguluhang angyayari sa naturang lugar, kasunod ng exploration activities.

Nakasaad dito ang ginawa ng mga residente ng Dupax del Norte na pgtatayo ng barikada upang pigilan ang mga magsasagawa ng pagmimina at protektahan ang kanilangkarapatan sa libu-libong ektarya na saklaw ng minong exploration permit.

Nais ng senador na mabusisi ang inilabas na permit, kabilang na ang compliance nito sa mga environmental law, at tukuyin kung may nangyaring procedural violation.

Kung babalikan ay ipinagkaloob sa Woggle Corporation ang DENR-MGB exploration permit para magsagawa ng pagmimina ng ginto at tanso sa humigit-kumulang 3,100 ektaryang lupain sa lalawigan.

Gayunpaman, hinaharang ito ng libu-libong mga residente, lalo na ang mga miyembro ng indigenous people, dahilan upang pumagitna na ang pulisya.