-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni Senator Francis ”Kiko” Pangilinan ang mga alegasyon na isinasangkot sa kanya kaugnay ng umano’y pagpapadala ng mga maletang may lamang pera sa ilang mambabatas.

Ito ay matapos lumabas sa isang press conference noong Martes ang mga pahayag ng mga dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kung saan ipinakita rin ang isang larawan na umano’y may kinalaman kay Pangilinan at sa kanyang asawang si Sharon Cuneta.

Sa kanyang pahayag na pinamagatang “Statement on Suitcases,” sinabi ng senador na pawang mga alegasyon lamang at walang matibay na ebidensya ang mga paratang laban sa kanya.

Ayon kay Pangilinan, layunin lamang umano ng mga akusasyon na sirain ang kanyang kredibilidad, lalo na ngayong naiulat ang kanyang pag-upo bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na mag-iimbestiga sa umano’y flood control scam.

Giit pa ng senador, wala umanong anumang ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga sinasabing maleta at nawawalang pondo ng gobyerno.

Dagdag pa niya, lalo siyang nainis nang madamay ang kanyang pamilya sa isyu.

Dahil dito, nagbabala si Pangilinan na magsasampa siya ng kaso laban sa mga nasa likod ng mga paratang.

Sa kanyang post sa social media, mariin niyang kinondena ang mga akusasyon at tinawag itong walang basehan at paninira lamang.