Naghain si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng panukalang batas na maglalaan ng karagdagang P15 billion pondo para sa relief, rehabilitation, at reconstruction ng mga lugar na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Ayon sa senador, gagamitin ang pondo upang madagdagan ang budget ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa pagpapanumbalik ng mga nasirang paaralan, ospital, kalsada, tulay, irrigation system, pabahay, at iba pang mahahalagang imprastraktura.
Maglalaan din ng tulong para sa mga magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor na nawalan ng kabuhayan dahil sa sakuna.
Batay sa panukala, mahigit dalawang bilyong piso ang ilalaan para sa Department of Agriculture, habang may pondo rin para sa Department of Education, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Matatandaang umabot na sa 38 ang bilang ng mga nasawi habang apat na katao pa ang nawawala matapos ang malakas na lindol na nakaapekto sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.
Nauna ring iniulat ng Office of Civil Defense na lumampas na sa mahigit P500 million ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang mabigyan hindi lamang ng agarang tulong ang mga biktima kundi pati ng pangmatagalang suporta upang makabangon sila at maibalik ang kanilang kabuhayan.
Samantala, inaasahan namang bibisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mindanao upang personal na inspeksyunin ang kalagayan ng mga lugar na naapektuhan ng lindol.
















