Sumampa na. sa 81 ang bilang ng mga nasawi sa tumamang lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, habang 31 katao ang nananatiling nawawala, base sa pinakabagong situational report na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nasa kabuuang 1,315 katao naman ang napaulat na nasugatan bagamat, ayon sa ahensiya, isinasailalim pa sa validation ang karamihan sa mga napaulat na casualties.
Iniulat din ng ahensiya na umabot na sa mahigit 380,000 pamilya o 1.63 milyong indibidwal ang apektado sa mahigit 600 barangay sa Region IX, XI, XII, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa mga apektado ng nagdaang lindol, mahigit 89,000 indibidwal pa rin ang displaced kung saan mahigit 23,000 katao ang nananatili sa mga evacuation center habang may mahigit 63,000 indibidwal naman ang pansamantalang nanunuluyan sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Sa damage assessment, umaabot na sa mahigit 87,000 kabahayan ang nasira kabilang na ang mga tuluyang nawasak at bahagyang napinsala.
Pumalo na rin sa P1.356 billion ang halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura sa mga rehiyong napuruhan ng lindol.
Bunsod nito, patuloy na nakasailalim sa state of calamity ang kabuuang 18 siyudad at munisipalidad.
















