-- Advertisements --

Umakyat na sa 92 ang bilang ng mga nasawi dahil sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani, ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Bukod sa mga nasawi, umabot naman sa 1,316 ang naiulat na sugatan, habang 20 katao pa rin ang nawawala matapos ang malakas na pagyanig noong June 8.

Ayon sa NDRRMC, siyam pa lamang sa mga nasawi ang naberipika, habang may iba pang 83 ang patuloy na bineberipika ng mga awtoridad.

Pinakamaraming naapektuhan ang Region 12, kung saan naitala ang 71 na nasawi, 1,236 sugatan, at pitong nawawala.

Sa Region 11 naman, iniulat ang 21 na nasawi, 79 sugatan, at 13 nawawala. Siyam sa mga nasawi at isang sugatan ang kumpirmado na, habang patuloy pang sinusuri ang iba pang ulat.

May isang naiulat ding sugatan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, na kasalukuyan pang bineberipika.

Paalala ng NDRRMC, maaaring magbago pa ang bilang ng mga biktima habang nagpapatuloy ang validation at assessment ng mga apektadong lugar.