-- Advertisements --

Nag-isyu ng show cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 54 na gasolinahan dahil sa umano’y pagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo sa gitna ng epekto ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Kinumpirma ito ni Palace Officer USec. Claire Castro sa mga kawani ng media na kasama sa work visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Amerika.

Nagbabala naman ang Palace official sa mga nananamantala sa kasalukuyang sitwasyon na mayroong kalalagyan ang mga ito, kung saan maaari silang mademanda at matanggalan ng pagkakataong makapag-negosyo.

Samantala, sa panig naman ng DOE, inihayag ni Secretary Sharon Garin na kakasuhan nila ang 54 na gasolinahan.

Partikular na aniya ang mga sangkot sa hoarding, na aniya’y perwisyo sa ating mga kababayan. Ayon sa kalihim, kakasuhan ang mga ito at ipapasara ng DOE.