-- Advertisements --

Umabot na sa 33 ang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 matapos marekober ang apat pang bangkay noong Biyernes, Enero 30, sa karagatan ng Hadji Muhtamad, Basilan.

Patuloy ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard habang sinusuri ang mga ulat na posibleng mas marami pa ang aktuwal na sakay ng barko kaysa sa nakasaad sa passenger manifest.

10 pasahero ang nananatiling nawawala.

Samantala, siyam sa 11 bangkay na narekober noong Huwebes, Enero 29, ang nakilala na ng kanilang mga kaanak.

Ang mga biktima ay mula sa Zamboanga City at Sulu, kabilang ang isang senior citizen at isang anim na taong gulang na bata.

Dalawang bangkay ng lalaki ang nananatiling hindi pa nakikilala.

Matatandaang ang barko ay lumubog noong Enero 26 habang patungong Jolo, Sulu mula Zamboanga City.

Mahigit 300 pasahero ang nakaligtas.

Sa kabila nito ipinag-utos ng Department of Transportation ang pansamantalang pagpapahinto sa mga barko ng Aleson Shipping Lines habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.