-- Advertisements --

Dismayado ang mga survivor ni Jeffrey Epstein matapos ilabas ng pamahalaan ng Estados Unidos ang mahigit tatlong milyong dokumento kaugnay ng kaso ng yumaong sex offender.

Ayon sa kanila, nananatiling nakatago at protektado ang mga umano’y salarin, habang may mga impormasyong makakakilala pa rin sa mga biktima.

Iginiit ng US Department of Justice na hindi inimpluwensyahan ng White House ang imbestigasyon at paglalabas ng mga dokumento, at itinanggi rin ni Deputy Attorney General Todd Blanche na may tinanggal na sensitibong impormasyon upang protektahan si U.S. President Donald Trump.

Lumitaw sa mga dokumento ang pangalan ng ilang makapangyarihang personalidad, kabilang sina Trump, Elon Musk, Bill Gates, at dating U.K Prince Andrew, bagama’t wala ni isa sa kanila ang pormal na inakusahan kaugnay sa krimen.

Ayon pa kay Blanche, lahat ng picture ng mga babae at batang babae ay ni-redact, maliban sa mga larawan ni Ghislaine Maxwell, ang dating kasintahan ni Epstein na nahatulan sa kasong human trafficking at kasalukuyang nagsisilbi ng 20 taong pagkakakulong.

Nanawagan ang 19 survivor ng transparency ukol sa lahat ng Epstein files at hiniling na tugunan ito ng Attorney General sa pagdinig sa Kongreso.

Si Epstein, ay isang mayamang financier, na namatay sa kulungan sa New York noong 2019 habang naghihintay ng paglilitis sa kasong sex trafficking ng mga menor de edad.

Ang kanyang pagkamatay ay idineklarang suicide.

Sa mga naunang document release, lumutang ang ugnayan ni Epstein sa mga business executive, celebrity, academics, at mga politiko, kabilang sina Trump at dating U.S. President Bill Clinton.

Wala pang pormal na kasong isinampa laban sa dalawa.

Napag-alaman din na kabilang sa mga bagong dokumento ang isang draft email kung saan sinabi ni Epstein na may extramarital affairs umano si Bill Gates—isang alegasyong itinanggi ng Gates Foundation.

Mayroon ding email exchange noong 2012 kung saan tinanong umano ni Musk si Epstein tungkol sa “wildest party” sa isla nito.