-- Advertisements --

Iniulat ng Bureau of Quarantine ng Department of Health na wala pang nadedetect sa ngayon na bagong kaso ng Nipah virus sa Pilipinas.

Matatandaan kasi na huling nakapagtala ng Nipah virus cases sa Sultan Kudarat noong taong 2014.

Subalit sa ngayon, ayon kay BOQ officer-in-charge Dr. Roberto Salvado, wala silang na-monitor o naharang na dumating sa bansa na infected ng virus mula sa direct flight galing India, kung saan nakapagtala ng seasonal outbreak ng sakit.

Gayunpaman, tiniyak ng bureau sa publiko na may mga nakalatag na safety health measures, kabilang ang masusing pagbabantay ng bureau sa mga manlalakbay na dumarating sa mga paliparan at pantalan 24/7 para mapigilang makapasok at kumalat ang virus sa bansa.

Maliban dito, mayroon din aniyang e-Travel system na ginagamit para sa border control, health surveillance at economic analysis. Sa pamamagitan ng application na ito, madaling mababantayan ang mga pasahero mula sa direct flights galing India.

Bukod dito, mayroong ding nakalatag na infrared thermal scanners sa mga paliparan at pantalan kung saan may nakatalagang dalawang BOQ nurses para i-monitor ang temperatura ng mga dumarating na pasahero at mayroon ding spotters na susuri kung may mga pantal o iba pang palatandaan o sintomas ng sakit, na hindi idineklara sa e-travel app.

Pinagiingat din ng BOQ official ang publiko lalo na kapag bumibiyahe sa mga bansang mayroong history ng virus outbreak.