Umarangkada na ang malawakang relief operations ng Philippine Red Cross (PRC) na nagkakahalaga ng mahigit ₱300-milyon para sa libu-libong pamilyang biktima ng magkakasunod na kalamidad sa bansa.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, target ng ahensya na maabutan ng tulong ang nasa 23,242 na pamilya mula sa 17 lalawigan.
Sakop ng naturang operasyon ang mga residenteng sinalanta ng lindol sa Cebu at Davao Oriental, maging ang mga binayo ng mga bagyong ‘Tino’ at ‘Uwan’.
Nito lamang nakalipas na araw, nasa 4,078 pamilya na agad ang nakatanggap ng food packs at non-food items sa 15 probinsya na may katumbas na inisyal na halagang ₱14.8-milyon.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga residente mula sa Northern Luzon tulad ng Cagayan, Isabela, at Aurora, hanggang sa Visayas at Mindanao kabilang ang Negros, Surigao, at Palawan.
Katuwang ng PRC sa naturang humanitarian assistance ang International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies at ang Australian Department of Foreign Affairs and Trade.
Matatandaang noong nakaraang taon ay nagpaabot na rin ng paunang tulong ang PRC sa mga lugar na matinding tinamaan ng sunod-sunod na sama ng panahon at pagyanig ng lupa.















