-- Advertisements --

Ligtas sa kapahamakan ang 12 Pilipinong seafarers na sakay ng isang barkong inatake sa karagatang sakop ng Iraq.

Ito ang kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) , matapos makipag-ugnayan sa mga awtoridad at kumpanya ng barko.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakatanggap ang ahensya ng opisyal na ulat mula sa mga shipowners na nagpapatunay na nasa mabuting kalagayan ang mga apektadong tripulante.

Bukod sa 12 mandaragat, tiniyak din ng kalihim na ligtas ang nasa mahigit 7,000 pang Pilipinong seafarers na lulan ng iba’t ibang barko malapit sa bahagi ng Strait of Hormuz.

Bunsod ng insidente, muling naglabas ng direktiba ang DMW upang paalalahanan ang mga Pilipinong tripulante hinggil sa kanilang mga karapatan.

Binigyang-diin ng ahensya na may opsyon ang mga mandaragat na tanggihan ang pagsampa sa mga barkong nakatakdang bumagtas sa mga high-risk areas.

Kabilang sa mga tinukoy na mapanganib na ruta ay ang Strait of Hormuz, Persian Gulf, at Gulf of Oman.

Matatandaang nauna nang idineklara ng DMW ang mga nasabing rehiyon bilang war risk operations areas dahil sa patuloy na pag-init ng tensyon at kaguluhan sa Middle East.