-- Advertisements --

Magde-deploy ang Philippine Red Cross (PRC) ng kabuuang 1,261 personnel at volunteers para sa taunang Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa Biyernes, Enero 9, upang tumugon sa mga posibleng medical emergency sa panahon ng Traslacion.

Sa isang press briefing noong Miyerkules, sinabi ni PRC Chairman Richard Gordon na itatalaga ang kanilang mga tauhan sa 17 first aid stations at 17 welfare desks na nakapwesto sa kahabaan ng ruta ng Traslacion, kung saan inaasahang dadagsa ang milyun-milyong deboto.

Bilang bahagi ng paghahanda, maglalagay din ang PRC ng 17 first aiders on wheels, 12 roving scooters, 19 ambulance naka-deploy sa mga ruta, at 20 standby ambulance. Mayroon ding dalawang rescue boards at tatlong rubber boats na nakahanda para sa posibleng water rescue operations.

Inihahanda din ng PRC ang 50-bed emergency field hospital na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan Monument sa tabi ng Manila City Hall. Ito ay pamumunuan ng 60 medical personnel at nakahandang tumugon sa mass casualty incidents gayundin sa minor at moderate incidents.

Nakatutok din ang walong PRC chapters at walong PRC branches sa National Capital Region upang magbigay ng karagdagang tulong sakaling may mga emergency sa panahon ng prusisyon.

Pinayuhan naman ng PRC ang mga deboto na isulat ang kanilang personal information at mga medical condition sa isang papel at dalhin ito sa oras ng Traslacion. Maaari rin umanong i-download ng mga kalahok ang PRC emergency information card.

Samantala, nanawagan ang PRC, Quiapo Church, at mga awtoridad sa publiko na sumunod sa mga paalala at direktiba upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdaraos ng Traslacion.