-- Advertisements --

Sinisilip na ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o ng Quiapo Church ang pagpapatupad ng ilang mga pagbabago sa proseso at iba pa para sa magiging Traslacion sa 2027 matapos ang halos 31 na prusisyon ng Poong Hesus Nazareno nitong Biyernes.

Ayon kay Nazareno 2026 Spokesperson Fr. Robert Arellano, posibleng magkaroon ng pagbabago sa andas na siyang lulan ang Poon at maging sa mismong crowd management dahil din sa pagtatala ng apat na casualties sa kabuuan ng prusisyon.

Napansin din kasi ng pamunuan ng Quiapo ang pagiging agresibo ng ilang mga deboto partikular na ang mga kabataan na pilit sumasampa sa andas dahilan kaya mas bumabagal ang usad nito.

Para naman sa mismong ruta ng prusisyon, binabalak na rin ng simbahan ang posibilidad na paikiliin ang rutang kadalasang iniikutan ng Poon para mas mapabilis at mapaikli ang oras na gugugulin nito sa prusisyon.

Ganito rin ang mga naging sentimiyento ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson PMaj. Hazel Asilo kung saan binigyang din niya na mahalaga rin na mapaiksi talaga ang oras ng traslacion para sa kaligtasan rin ng mga deboto.

Aniya, maiging idaan ang andas sa mga malalaking daanan at hindi na sa mga eskinita upang matiyak rin na walang maiipit at magiging maayos ang mismong prusisyon.

Samantala, nakatakda ring magkaroon at magsagawa ng isang critic session ang pamunuan ng simbahan ng Quiapo maging ang mga katuwang na ahensya nito para sa mas maayos at mabilis na Traslacion sa susunod na taon.