-- Advertisements --

Narescue ng National Capital region police Office (NCRPO) ang isang Chinese national na umano’y biktima ng isang kidnapping incident sa loob ng isang condo unit sa Paranaque.

Sa isang pahayag, ibinahagi ng NCRPO ang mga naging detalye sa insidente na siya aniyang nagugat sa isang natanggap nilang ulat sa pamamagitan ng PNP Hotline.

Agad na nagkasa ng rescue operations ang pulisya kung saan natagpuan ng mga otoridad ang biktima sa isang unit sa Barangay Don Galo sa Paranaque City kasama ang limang suspek na pawang apat na lalaki at isang babae na kapwa mga foreign nationals.

Batay sa inisyal na ulat ng NCRPO, lumalabas na simula pa noong Disyembre 9 ay nasa kustodiya na ng limang suspek ang biktima at humihingi ng P1 milyong halaga ng ransom money kung saan nauna nang mibigay ang P500,000 sa mga suspek.

Samantala, kasalukuyan naman nang nasa ilalim ng police custody ang limang akusado na siya namang mahaharap sa mga reklamo at kaso.

Maliban dito ay kinilala rin ng NCRPO ang naging tulong ng kanilang mga social media platforms at hotlines para sa mabilis na aksyon at pagresponde sa mga krimen upang mapigilan ang mga ito.