-- Advertisements --

Muling tiniyak at itinaas ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ilang araw bago ang mga ikakasang kilos protesta simula nitong Linggo Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 18.

Ayon kay Acting PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sisimulan ang pagtatalaga ng pulisya sa Nobyemre 15, isang araw bago ang mismong mga programa kung saan magsasagawa naman ng full deployment ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na magtatalaga ng 16,664 na mga tauhan sa buong Metro Manila.

Pagtitiyak pa ni Nartatez, handa ang buong hanay ng Pambansang Pulisya sa ganitong mga malakihang pagtitipon dahilan para mas paigtngin at palakasin pa ang police visibility ng pulisya.

Para naman sa three-day protests, inaasahan na dadalo ang hindi bababa sa 300,000 na mga indibidwal para sa pagtitipon sa bahagi ng Edsa People Power Monument sa pangunguna ng United People’s Initiative (UPI) habang higit sa 100,000 naman na mga indibidwal kada araw ang inaasahang dadalo sa Quirino Grandstand para naman sa INC Peace Rally.

Para sa mas pinalakas na seguridad at pinaigting na police presence, nagdeploy ang PNP ng mga tauhan sa bahagi ng Quezon City, Maynila, Pasay City, at ilan din ang naitalaga sa mga pangunahing lansangan kabilang na ang ilang mga gusali ng pamahalaan.

Samantala, nanindigan rin ang PNP na habang patuloy na nirerespeto ang karapatan para sa malayang pamamahayag ay mahigpit pa rin na ipapatupad ang mga umiiral na batas at mahigpit na safety protocols para naman sa pagtitiyak ng kaligtasan ng lahat ng mga dadalo.