Tinanggihan ng Sandiganbayan ang hiling ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na maiditene sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City.
Sa inilabas na resolusyon ng Sandiganbayan anti-graft court Third Division, nakasaad na si Revilla ay dapat na manatili sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas para sa kaniyang mga kinahaharapa na kaso na malversation through falsification of public documents sa mga umano’y ghost flood control projects sa Pandi, Bulacan.
Matatandaan kasi na bago nito ay nabanggit din ni Revilla ang posibleng banta sa kaniyang seguridad dahil na rin sa mga nagaganap na gang-related violence sa loob ng piitan.
Base sa resolusyon at ayon na rin sa prosekusyon, ang mga umano’y banta na ito sa seguridad at potential harm ay pawang mga base lamang sa mga espekulasyon at mga sabi-sabi.
Nagpapatunay aniya dito ang mga nauna nang pahayag ni Jail Supt. Maria Lourdes Pacion na ang Quezon City Jail ay ligtas, maluwag, at may mga sapat na specialized security measures para sa mga high-profile detainees.
Samantala, kabilang naman din sa mga binasurang request ng Sandiganbayan ay ang motion to commit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st DEO Engineer Emelita Juat sa Bulacan Police Provincial Office dahil possible umano na maapektuhan ang mga magiging pagdalo nito sa mga pagdinig na tatalakay sa kaniyang mga kaso.











