-- Advertisements --

Nilinaw ni Senate Sgt.-at-Arms Ret. Gen. Mao Aplasca na wala silang kahit anumang natatanggap na banta sa buhay ni dating Bulacan 1st District Assistant Engr. Brice Hernandez na siyang kasalukuyang inilipat na sa Custodial Center ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Aplasco ang paglipat ni Hernandez sa naturang pasalidad ay isang pagtugon sa personal request nito.

Matapos kasi ang naging pagdinig nitong Martes sa Kamara, hiniling ni Hernandez na pansamantala siyang manatili sa kustodiya ng PNP para sa ikapapanatag ng kaniyang isipan.

Nakaramdam na kasi ng takot na bumalik pa sa Senate Detention Facility si Hernandez matapos na madawit nito ang mga pangalan ng mga senador na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na handang magsampa ng kaso laban sa kaniya.

Nakadepende naman sa Senado partikular na sa Blue Ribbon Committee kung hanggang kailan mananatili na nakaditene si Hernandez sa custodial facility.

Samantala, bilang nasa ilalim ng kustodiya ng Pambansang Pulisya si Hernandez ay nakatakda siyang sumunod sa mga house rules na ipinapatupad ng pulisya.

Kabilang na dito ang mga tamang oras at araw na maaari siyang bisitahin at maging ang mga imbitasyon at pagdalo sa mga pagdinig ay dapat ring dumaan sa tamang proseso.

Samantala, bilang primary detaining authority, senado pa rin ang magbibigay ng kumpirmasyon sa mga imbitasyon at paglabas ni Hernandez sa naturang pasilidad.