-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakatanggap ang National Center for Mental Health (NCMH) crisis hotline ng 451 tawag na karaniwan ay humihingi ng tulong kaugnay ng anxiety at depression.

Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, karamihan sa mga tumawag ay mga kabataan na may edad 18 hanggang 30, at mas marami sa mga ito ay mga kababaihan.

Itinuturing na isang mahirap na panahon ang Kapaskuhan para sa mga may pinagdadaanan, dahil ang emosyonal na pagkabalisa ay kadalasang tumataas sa panahong ito, na nagdudulot ng kalungkutan, pangungulila, at pakiramdam ng pag-iisa sa kabila ng masayang okasyon.

Marami sa mga tumawag ang nag-sabing may problema sa relasyon, pamilya, at pakiramdam ng kalungkutan.

Mula nang magsimula ang NCMH wellness and crisis hotline noong 2019, nakatanggap na ito ng higit sa 115,000 tawag, kabilang ang mahigit 36,000 na may kaugnayan sa mga kaso ng pagpapakamatay, karamihan mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.

Ayon sa NCMH, simula noong Enero hanggang Setyembre 2025, naitala ng hotline ang 7,189 tawag na may kinalaman sa pagpapakamatay, kung saan ang pinakamataas na bilang ay naitala noong Hunyo, Agosto, at Setyembre.

Hinimok ng DOH ang publiko na maging maalam sa mga senyales ng mental health struggles at pinaalalahanan ang mga nasa krisis na humingi ng agarang tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa NCMH hotline 1553 o pag-contact sa kanilang opisyal na Facebook page upang magpa-appointment.