-- Advertisements --

Tinawag na desperadong hakbang at purong pamumulitika lamang ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang maagang deklarasyon ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ito sa pagka-pangulo sa 2028.

Ayon kay Tinio, malinaw na calculated move ang nasabing anunsyo upang sindakin at bigyan ng pressure ang mga mambabatas bago pa man umusad ang pagdinig ng Kamara sa kinakaharap nitong impeachment complaint.

Naniniwala ang mambabatas na sinusubukan ng Bise Presidente na ilihis ang atensyon ng publiko at ng Kongreso mula sa mga seryosong akusasyon laban sa kanya.

Sa kabila ng ingay pulitikal, iginiit ni Tinio na hindi nito mababago ang katotohanan na matibay ang ebidensya sa reklamong inihain.

Kampante ang mambabatas na sa oras na magsimula ang paglilitis, mabubunyag at mapapatunayan ang isyu ng umano’y winaldas na pondo ng bayan sa ilalim ng opisina ni Duterte.

Nagbabala rin si Tinio sa publiko na huwag nang magpadala sa aniya’y mga pambubudol at sa halip ay tutukan ang accountability ng mga opisyal.