Pipilitin umano ng House Prosecution panel na matapos ang mga presentasyon nito, bago mag-break ang impeachment court sa kalagitnaan ng Oktobre.
Kung babalikan ang schedule na inaprubahan ng Senate Impeachment Court, gaganapin na mula Lunes hanggang Biyernes ang paglilitis mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi at maaari ring mag-extend.
Magtutuloy ito hanggang October 16 bago tuluyang mag-break sa court proceedings para bigyang-daan ang pagtalakay ng Senado sa 2027 national budget, bilang isang legislative body.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay panel spokesperson, Atty. Benjamin Tolosa Jr., sinabi niyang bagaman marami pang iprepresenta na financial documents ni VP Sara, target ng mga prosecutor na tapusin sa lalong madaling panahon ang presentasyon.
Kung naabot na aniya ang target ng panel sa bawat aspeto ng Article II, posibleng hindi na rin iprepresenta ang iba pang nakahanay na testigo, tulad ng dati nang ginawa ng panel sa mga naunang testigo.
Sa kabilang banda, posibleng magdedesisyon na rin sa susunod na lingo ang House panel kung itutuloy pang ipresenta ang bribery allegation sa impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Tolosa, sa ngayon ay wala pang napagdedesisyunan ang panel kung itutuloy ang pagpresenta sa naturanga rtikulo o kung tuluyan nang tatapusin ang presentasyon pagkatapos ng Article II.
Ang bribery allegation ay sumasaklaw sa umano’y pagbibigay ni VP Sara ng mga ‘suhol’ sa ilang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng naturang ahensiya.
















