Nakatanggap ang Department of Health (DOH) ng halos 1,000 tawag mula sa kanilang mental health hotline noong kasagsagan ng holiday season.
Pinakamataas na bilang ng natanggap na tawag ng ahensiya may kaugnayan sa mga isyu sa mental health ay noong Disyembre 30. Pangunahing dahilan ay may kinalaman sa problema sa relasyon o love life, anxiety at depresyon.
Sa datos ng National Center for Mental Health mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 2, 2026, kabuuang 961 na tawag ang natanggap sa DOH Mental Health Hotline.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, naobserbahan din ng ahensiya ang pagtaas sa kaso ng suicide at depresyon sa kasagsagan ng holiday period.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng ahensiya ang mga nangangailangan ng mental health support na maaaring dumulog sa National Center for Mental Health Crisis Hotline na 1533 at hinimok din ang publiko na ugaliing maging sensitibo at magkaroon ng konsiderasyon sa pinagdaraanan ng ibang tao.
















