-- Advertisements --

Tumestigo ang founder ng Meta na si Mark Zuckerberg sa korte kaugnay sa alegasyong tinatarget ng kaniyang kompaniya ang mga user na menor de edad.

Ikinatuwiran ng mga complainant na gumagawa ang naturang tech company ng features na naghihikayat sa mga kabataan na ma-hook o maging addicted sa social media.

Sa kaniyang unang pagharap sa Los Angeles County Superior Court, dumipensa si Zuckerberg na “mischaracterize” ang mga komunikasyong iprinisenta bilang parte ng landmark trial kung addictive ang social media platforms gaya ng Instagram para sa mga bata.

Bagamat inamin ni Zuckerberg na mahirap para sa Meta na ipatupad ang age restrictions sa Instagram.

Gayunman, makailang ulit na ring nanindigan ang Meta na gumagawa na ng aksiyon ang kompaniya para protektahan ang mga kabataan na user ng social media at pinagbawalan ang mga edad 13 pababa na gumamit ng naturang platform.

Nag-ugat ang naturang lawsuit laban sa major social media platforms gaya ng Meta, Google, Youtube, TikTok at Snapchat, matapos akusahan ng lead plaintiff na kilala sa kaniyang initials na K.G.M. ang mga kompaniya ng pagpapatakbo sa mga ito sa addictive na paraan na nakakapinsala o nakakasama sa mental health ng mga bata.

Ilang mga bansa na rin ang nagpapatupad ng restriksyon sa paggamit ng social media sa mga kabataan. Pinakahuli dito ang Australia na nagpatupad ng ban sa social media accounts sa mga edad 16 pababa.

Ikinokonsidera na rin ng UK, Denmark, France at Spain ang kaparehong hakbang.