-- Advertisements --

Ikinatuwa ng grupong Rise Up for Life and for Rights, na binubuo ng mga kaanak ng drug war victims, ang paglalabas ng International Criminal Court (ICC) ng dokumentong naglalaman ng mga pangalan ng umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ilang kaanak ng biktima, matagal na nilang kilala ang mga ito bilang malalapit na kaalyado ng dating Pangulo, ngunit ang opisyal na pagbanggit ng ICC ay tila pagkilala sa kanilang paghihirap at pagdadalamhati.

Iginiit din nilang dapat malaman ng buong mundo kung sinu-sino ang may pananagutan sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra iligal na droga.

Binatikos din ng grupo ang hakbang ng depensa ng dating Pangulo sa pangunguna ni Atty. Nicholas Kaufman na ipa-diskwalipika ang mga abogado ng mga biktima, na anila’y pagtatangkang hadlangan ang proseso ng korte.

Sa kabila nito, umaasa ang mga pamilya na matutuloy ang confirmation of charges hearing sa kaso ng dating Pangulo sa Pebrero 23 at patuloy nilang igigiit na dapat managot ang dating Pangulo sa kasong crimes against humanity.