-- Advertisements --

Binigyang-pugay ni Deputy Speaker Paolo Ortega V si Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos sa pagpapanatili ng produktibidad ng Kamara de Representantes sa kabila ng pag-asikaso sa mga reklamo ng impeachment.

Ayon kay Ortega, sa ilalim ng pamumuno nina Marcos at Speaker Faustino “Bojie” Dy III, hindi naantala ang pagpasa sa mga prayoridad na panukala at mahahalagang resolusyon kahit nahaharap ang kapulungan sa mga seryosong tungkuling konstitusyonal.

“Ang impeachment ay isang tungkulin, ngunit isa lamang ito sa maraming responsibilidad ng Kamara. Nanatili kaming nakatutok sa pagpasa ng mga batas para sa kapakanan ng publiko,” ani Ortega.

Kabilang sa mga isinusulong ni Marcos ang sumusunod: HB 7432 (No Work, No Pay for Members of Congress) na naglalayong iugnay ang sahod ng mga mambabatas sa kanilang dalo sa mga sesyon at hearing.

Ang HB 7443 na layong alisin ang travel tax upang palakasin ang turismo sa bansa.

Bukod dito, inaprubahan na rin sa ikatlong pagbasa ang mahahalagang bill gaya ng Energy Systems Storage Act (HB 6676) para sa mas matatag na suplay ng kuryente, at ang mandatory insurance para sa mga electrical at telecom line workers (HB 7239).

Nagpatibay din ang Kamara ng mga resolusyon para sa mga lokal na holiday, pagkilala sa mga atletang Pilipino, at pagbibigay-pugay sa yumaong dating Speaker Jose De Venecia Jr.

Ayon kay Ortega, ang tuloy-tuloy na pag-apruba sa mga batas ay patunay ng disiplina ng institusyon sa gitna ng kanilang oversight functions.